Komedyanteng Seryoso sa Negosyo


 

Masigasig Magazine (a special publication made by Summit Media for Globe Telecom).

April 2007 Issue

 By Beverly W. Siy

Marinig mo lang ang linyang “Ok ka ba tiyan?” at siguradong papasok sa isip mo ang mukha ng komedyanteng ito. Oo, siya si Gabe Mercado: isang comedian, endorser ng Yakult, aktor at TV host. Siya rin ang founder ng Silly Peoples Improvisational Theater (SPIT).

Isa rin siyang negosyante. Kasama ang mga kapatid na sina Robbi at Wawel, pinangangasiwaan ni Gabe ang Forest Club Conference Center- Botanical Gardens na makikita sa Bay, Laguna, sa pagitan ng Mt. Banahaw at Mt. Makiling. Sa 2.5 ektarya ng lupa, matatagpuan ang pagkaririkit na cottages, family suites, conference room, herbal gardens with stone sculptures, lotus lagoon, tennis at basketball courts, swimming pool at pagkarami-raming puno tulad ng narra, mahogany atbp.

Noong 1994, private property pa ito ng mga Mercado. Isang malaking bahay sa gitna, dalawang cottage sa gilid at mga puno ang pinatayo ng ama ni Gabe na si Tony Mercado sa lupang binili nila. Noong una, nakiki-swimming pool lang sila sa kapitbahay!

Pagsapit ng 1996, nagpasya si Tony na pagkakitaan at gawin ng resort ang lugar. Binuksan ito sa publiko. Dinagsa naman ng guests pero hindi nagustuhan ni Tony ang nangyari. Nasisira kasi ang likas na ganda ng resort. Kawawa ang mga alaga nilang tanim. Minsan, pag nakatalikod ang mga magulang, may makukulit na batang sinasabunutan o binubunot pa talaga ang mga halaman. Kaya pumasok ang usapin ng advocacy: pagmamahal sa kalikasan, partikular na sa mga puno.

Ito ang unang challenge kay Gabe: paano pakikitain ang resort nang hindi nako-kompromiso ang likas na ganda nito?

Napulot ni Gabe sa internet ang ideyang gawin itong conference center. Dahil mas malalaking grupo, hindi lang pami-pamilya ang naging kliyente nila, tumaas ang kita. Isa pa, obserbasyon ni Gabe, dahil concerned sa reputasyon ng kanilang kompanya, organisasyon, eskuwela o grupo ang mga tao, mas naging madali ang pagkontrol ng kani-kanilang pinuno sa bawat indibidwal. Sa madaling salita, mas behaved ang guests.

Matitinding meetings pa ang ginawa nina Gabe at ng kanyang mga kapatid. Napagdesisyunan nilang kunin ang environmentalist at may-ari ng Geo Farm (Pangasinan) na si Ed Guevarra bilang in-house consultant. Lalong naging eco-friendly ang kanilang resort. Nagpatupad na sila ng zero-waste management dito. Ultimo sa pagluluto, patay na sanga ang kanilang panggatong.

Aba, may advocacy na, at the same time, kumikita pa. Ang resulta? Tagumpay!

Makalipas ang 11 taon, namamayagpag pa rin ang Forest Club. Eto ang kanilang mga sikreto:

  1. Importante ito sa mga negosyong pamilya rin ang nagpapatakbo: kahit magkakapatid ang nasa iisang negosyo, malinaw dapat sa bawat isa ang saklaw ng kani-kanilang trabaho.
  2. Mahalin ang mga empleyado. Pag inaalagaan mo ang mga tauhan mo, aalagaan din nila ang negosyo mo. Ipinagmamalaki ni Gabe ang community projects nila para sa empleyado: ang plant nursery, stone sculpture at vermiculture.
  3. Makinig sa mga kliyente. Sinsabi nila ang napupunang pagkukulang, o kailangang baguhin. Magkaroon ka ng variety sa mga inaalok na produkto o di kaya ay serbisyo na magugustuhan nila.
  4. Matutong maghintay. Matagal ang ROI rito.

Nakatoka sa product development si Gabe. Ang naiisip niya nai-implement ngayon ay ang paghalo ng teatro sa team building activities nila. Sa pamamagitan ng pag-akting, musika at pagpapatawa, ituturo niya kung paano maa-achieve ang pagkakaisa. Isa lamang ito sa mga ideya nila para magka-variety ang kanilang serbisyo.

Abot-kaya ang rates sa Forest Club. At siguradong matutuwa ang guests sa Eco-Adventure Program nito para sa team building activities ng kahit anong kompanya, organisasyon, eskuwela o grupo.

Ang tanong ngayon ni Gabe: Okay ba ‘yan? Kung oo, kontakin si Wawel Mercado sa: 0917-8312583 kaya, bumisita sa www.theforestclub.com.

Gusto mong magka-resort?

Kung interesadong pumasok sa eco-resort business, heto ang tips na galing diretso sa bibig ni Gabe:

  1. “Mag-invest sa mga hayop. Kahit hindi exotic animals. Sa Forest Club, minu-minuto’y may makakasalubong na manok, bibe at pabo (turkey) ang mga bisita.”
  2. “Mag-invest sa mga halaman. Pampa-presko na, nakakaakit pa ng paruparo. Added attraction nang walang dagdag gastos para sa ‘yo.”
  3. “Mag-invest sa pagkain. Napaka-partikular ng Pinoy pagdating sa pagkain. Ang pagkain, dalawang klase lang: masarap at hindi masarap. Isa pa, marami dapat ang bawat serving.”
  4. “Pag-ipunan ang pagpapa-swimming pool. Marami ang magka-cancel ng booking pag nalamang hindi magamit o walang pool sa resort ninyo.”
  5. “Pag-ipunan ang pagpapa-fish pond dahil type na type ng mga Pinoy ang pamimingwit.”

 

Back to top